Online Seller, Naiyak Dahil sa Tuwa Habang Nagla-Live Nang Malamang Nakapasa sa LET!



Napaiyak dahil sa sobrang tuwa ang isang online seller sa Masbate habang nagla-live selling dahil sa pagbati ng kanyang mga buyers at sinasabing pasado raw siya sa Licensure Examination for Teachers. Hindi makapaniwala si Jerelyn Esteves, 30 anyos ng Masbate City na nakapasa siya sa board exam dahil ayon sa kanya, hindi siya nakapagreview nang maayos sa sobrang pagkaabala sa kanyang pagtitinda online.



Agad niyang hiningian ng litrato ang buyer na unang nag-congratulate sa kanya kung totoo talagang nakapasa siya, at doon nga ay nakita niya ang kanyang pangalan.

Hindi raw ito ang unang beses niyang pagkuha ng LET, katunayan noong 2019 kung saan husto ang kanyang pagrereview ay hindi siya pinalad na makapasa. Marami raw ang kanilang pinagdaanan bago niya makamit ang titulong LPT. Sinabi niya sa kanyang post, taong 2020 nang magkasakit ang kanyang asawa at halos walang matira ni piso sa kanila. Natigil rin ang kanilang negosyo ng halos labing isang buwan.





Ngayong taon, muling kumuha si Jerelyn ng board exam para sa mga guro sa kabila ng pagiging abala sa negosyo.

"Walang review review dahil super busy sa small business, pinaubaya ko kay God ang pag exam ko, before pa nga makapag exam grabe pa ang pinagdaanan ko. Totoo talaga ang "God's will" kahit sobrang preparado ka sa exam kung hindi pa para sayo, di pa ibibigay. Pero kung time mo na talaga, kahit di mo alam ang sinagot mo doon, pag dating kay Lord pasado ka." Ani Jerelyn.



Lubos-lubos ang kanyang pasasalamat sa mga taong walang sawang sumuporta sa kaniya sa kabila ng mga pinagdaanang hamon ng kanilang pamilya.

No comments