Ogie Diaz, Babayaran Ang Utang ng Anak ni Dagul sa Eskwelahan Para Makapag-aral sa Kolehiyo!



Babayaran umano ng talent manager na si Ogie Diaz ang utang ng anak ni Dagul sa eskwelahan. Hindi umano maka-graduate ang bunsong anak ni Dagul na si Jkhriez Pastrana, 18-anyos at isang senior highschool student. Ipinangako ito ni Ogie Diaz kay Dagul sa isang vlog na inupload nitong Linggo ng gabi.



Namana ni Jkhriez ang kondisyon ng kanyang ama ngunit hindi ito naging hadlang para hindi niya ituloy ang pangarap.

"Grade 12 student na po ako," ani ni Jkhriez kay Ogie. "Kasi nu'ng grade 10 po ako merong hindi nabayaran sa school, so, hold po nila 'yung papers ko at card, mga diploma ko. Bale pinaakyat lang po ako ng stage (grade 10) pero walang ibinigay sa akin," pag-aamin ng dalaga.

"Ah, pinaakyat ka ng stage sa moving up?" tanong ni Ogie.



"Opo kasi honor student po ako. Consistent honor student po ako from elementary to high school (sabay pakita ng larawang may mga suot na medalya,)" kuwento pa ng bunsong anak ni Dagul.

"So sa school mo hindi ka muna nila pasasampahin sa grade 12 this graduation? Ilang taon kang hindi nakabayad ng tuition fee?" balik-tanong ng content provider.

"Simula grade 7 po, high school. Pagtuntong ng high school po, hinold na nila ang papers ko," malungkot na sabi ni Jkhriez.

At ngayong magkokolehiyo na ang dalaga ay naghahanap siya ng pwedeng pag-aplayan ng scholarship para matugunan ang pag-aaral niya.



"Naghahanap po ako ng scholarship para matuloy ko po ang college ko kasi," saad ni Jkhriez.

Sabay sabi ni Ogie, "Ikaw ang pinoproblema ng tatay mo hindi ka na raw niya masustentuhan sa pag-aaral mo?"

"Oo nga po," ang maluha-luhang sambit ng dalaga. "Kaya go lang po nang go, pray lang kung may opportunity na dumating kasi gusto ko po talagang maka-graduate ."

At dito na sinabi ni Ogie na, "Ako na ang sasagot sa mga utang mo."

Napatakip ng mukha si Jkhriez at tuluyan nang naiyak, "Totoo po?"

Pareho ang mag-amang Dagul at Jkhriez na naiyak sa sinabi ni Ogie.

"Thank you po," umiiyak na sabi pa ng dalaga.

"Basta pagbubutihin mo lang 'yung pagka-college, ha?" bilin ni Ogie sa anak ni Dagul.

Pinapakuha na ni Ogie ang mga requirements na kakailanganin ni Jkhriez para sa pagtuntong niya sa kolehiyo, "Patawagin mo sa akin ‘yung admin o kami ang tatawag sa admin para ako na ang magbayad," saad pa ng talent manager.



Sabi ni Dagul, "Sayang ang pangarap hanggang ngayon (honor student). Gusto talaga niyang mag-aral."

Sabay hirit ni Jkhriez ng, "Gusto ko pong maging abogado, maging Attorney Jkhriez someday."

"Alam mo maraming nanonood sa atin, maraming malalambot na puso at hindi nila alam kung saan ba nila dadalhin ang pera nila. Kapag napanood nila ito, e, ibigay sa amin 'yung itutulong nila," pahayag ni Ogie.

Abut-abot ang pasasalamat ni Dagul kay Ogie sa tulong nito sa anak na sinabi naman ng huli na naging mabait naman siya sa showbiz industry at naging mabuting ama rin.

Sabay tanong pa ni Ogie kay Jkhriez, "Hindi naging hadlang sa'yo 'yung lagay mo?"

"Actually, hindi naman po. Kasi si papa nga nagawa niya, ako pa kaya? So, parang nagiging inspirasyon ko si papa na ipagpatuloy hindi naman sila nagpabaya sa akin at alam kong punung-puno ako ng pagmamahal.

"Gusto ko pong ipakita sa lahat ng tao na kahit ganito kami kahit na may kapansanan ako kayang-kaya ko pong makipagsabayan sa normal," pahayag ng dalaga.

Aminadong nakatikim din soya ng pambu-bully noong araw, "Siyempre nu'ng bata po nasasaktan ako, pero ang naging coping mechanism ko is salita lang ‘yun pag pinansin ko, liliko ako.

"E, gusto ko diretso na. So, pag pinakinggan ko sila liliko ako, ako rin po ‘yung kawawa. Happy naman po ako kung ano ang nagawa ko ngayon kasi nagiging inspirasyon ako sa mga kabataan ngayon,” positibo pang pananaw ng anak ni Dagul.

1 comment: