any

Lalaki, Ibinenta ang Kanyang Scooter para Maipagamot ang Kanyang Aso na may Sakit




Isang lalaki ang ibinenta ang kanyang scooter para lang maipagamot ang kanyang aso matapos nitong magkaroon ng sakit.

Ibinenta ni Calvin Rotonea ng kanyang scooter upang maipagamot ang kanyang alagang aso na si Bella.

Sa post niya sa Furr Lovers PH, ibinahagi niya ang huling mga larawan ng kanyang scooter. Nakatali na ito sa likuran ng isang sasakyan dahil papunta na ito sa bagong may-ari.




Tinanong ng KDN si Calvin kung napa’no ang kanyang aso. Nagkaroon daw ito ng kennel cough. Duda niya, nakuha ito ni Bella sa ibang aso. Hindi naman delikado ang kennel cough sa mga aso ngunit kapag napabayaan maaaring maging pneumonia ito.


Ginamit niya ang pinagbentahan para sa pagpapa-checkup kay Bella. Inabisuhan siyang ipa-admit na ito ngunit hindi pa rin sapat ang kanyang pera. Kaya naka-home medications daw muna ito. Subalit nawawalan daw ito ng ganang kumain kaya pinaplano niya na magbenta pa ng mga ibang gamit para mai-admit na ito sa beterinaryo.


“Pag may kayang gawin why not? Bella is priceless. She’s enough,”
kuwento niya sa amin.

Napulot lamang ito ni Calvin sa tabing daan kasama ang kapatid nito na ngayon ay nasa pangangalaga ng kanyang ina. Ang araw na iyon ay siya ring araw ng pagkawala ng kanyang lola kaya marami raw ang nagsasabi sa kanya na “baka si lola mo si Bella”. Noong hinatid na kasi sa huling hantungan ang kanyang lola, balisa raw ang aso.



Isang taon at pitong buwang gulang na si Bella ngayon. Sa paglalarawan ni Calvin, isa siyang malambing at protective na aso. Nagbabantay siya ng ulam at sinisigurong walang ibang hayop ang makalalapit dito. 

Sa pagtulog, karaniwang puwesto na nito ang uluhan ni Calvin. Sa sobrang malapitin nito sa kanya, “daddy’s girl” na ang tawag ng kanyang fiance rito.


Pinuri si Calvin sa kanyang ginawa at sinabihan siya ng mga netizens na tama ang naging desisyon niya.

“Good decision. God will provide you another ride. God bless! Salute!”

“God bless, sir. Tama yan. Ang motor mabibili pa, ang buhay ay hindi na.”


Samantala, base sa kanyang update noong Oktubre 20 ng umaga, maayos naman daw si Bella pero handa siyang ipa admit ito sa vet kung kinakailangan.

No comments