DepEd, Pinaalalahanan ang mga Guro na Limitahan ang Assignments ng mga Estudyante
Pinaalalahanan ng DepEd ang mga Guro na limitahan lang umano ang mga assignments na binibigay nila sa mga estudyante.
Pinaalalahanan ng Department of Education (DepEd) ang kanilang mga guro na limitahan ang pagbibigay ng mga homework o assignments sa mga estudyante ngayong pinaiiral na ang blended learning.
Ayon kay DepEd Undersecretary Diosdado San Antonio, dapat ay sundin din ng teacher ang nasasaad sa DepEd Memorandum No. 392 na ibinaba noong 2010 kung saan sinasabing huwag masyadong tambakan ng assignments ang mga mag-aaral sa elementarya kahit weekdays, at dapat ay wala na ito kapag weekends.
Ipaaalala umano muli ng DepEd ang nasabing memorandum sa mga guro upang bigyan ng pagkakataong makapag-adjust ang mga bata sa online learning.
Ipinaalala rin ni San Antonio na ‘optional’ lang umano ang pagsagot sa mga exercises sa modules. Mayroon daw kasi silang natatanggap na ulat na kahit Sabado at Linggo ay may pahabol pa na gawaing natatanggap ang mga bata.
Bukod sa dapat ay tantiyahin lang mga guro ang asssignments na pasasagutan, kailangan din daw na makatarungan din ang deadline na ibibigay sa pagpapasa ng modules.
Wika pa ni San Antonio, kung ano lang ang kaya ng mga bata ay iyon lang ang ipagawa. Hindi naman umano ito ang panahon para maging ‘’super higpit’ ang mga teacher sa kanilang ipinagagawa sa mga estudyante.
No comments