any

Watch! Lalaking kumakain ng mga buhay na Insekto' May sakit ngaba sa pag-iisip?


Paano kung ang fina-follow mong vlogger ay nag-mukbang ng kanyang paboritong pagkain? Hindi ‘yong karaniwang kinakain ng mga nagmu-mukbang, ha? ‘Yong kakaiba – tulad ng mga exotic foods at hindi patay o luto, kung hindi buhay! Matatakam ka pa ba o mandidiri ka na?

Tulad na lamang ng isang featured story ng programang “Kapuso Mo, Jessica Soho” nitong June 28, 2020. Nag-a-upload kasi ang isang lalaki ng mga videos niya sa YouTube na kung saan, nagmu-mukbang siya ng mga kakaibang pagkain – mga buhay na exotic foods!

“Wala po akong naramdaman na kadiri kasi mahilig po talaga akong kumakain nang gano’n,” ani ng lalaki.

Bakit nga ba siya kumakain ng ganito? At may banta nga ba ang pagkain ng mga exotic foods sa kalusugan ng tao?

Tinatawag na mukbang ang ginagawa ng mga vloggers sa tuwing magpapakita sila ng paraan nila ng pagkain sa iba’t ibang putahe habang vini-video ito at ipinapakita sa kanilang mga followers.

Subalit kakaiba ang isang ito. Tila kakaiba ang panlasa niya dahil buhay na mga insekto at kung ano-ano ang kinakain niya.

Akalain mo, tila ginawa niya lamang spaghetti ang buhay na mga bulate. Ipinanlaman pa nga niya ito sa tinapay. Tinimplahan pa niya ng suka at toyo ang mga nahuli niyang buhay na mga butiki. At isa rin daw sa kaniyang “favorite” ang ipis dahil “crunchy” raw ito. Pati uok o “grubworm”, pinapatulan niya!

Meet Ronnie Suan – ang tinaguriang “Boy Tapang” ng mga netizens mula sa Alcoy, Cebu.

Ang pagkain niya raw ng mga ganitong uri ng pagkain ay hindi lang dahil sa nais niya lamang magkaroon ng content. Mula kasi nang magsimula ang pandemyang dulot ng coronavirus, wala na raw silang makain.

“‘Pag walang ayuda, mahirap talaga kasi wala kayong makain.”

Bata pa lamang daw ay kumakain na ng mga kakaibang pagkain si Ronnie.

“Eight years old, nagsimula akong kumain ng mga exotic. Parang kumakain lang din ng normal na pagkain,” sabi ni Ronnie.

Bunso sa sampung magkakapatid si Ronnie. Mula nang magsimula ang coronavirus, natigil na raw sa pagtitinda ng mais ang kaniyang ina.

Ani Lucina, nanay ni Ronnie, “Hindi na ako makapaghanapbuhay. Wala akong mapakain sa mga anak ko. Unahin ko na lang ‘yong mga anak ko. Kain na lang ako ng dalawang subo, tama na ‘yon.”

Para raw makaraos, madalas daw nilang kainin ang uok pero niluluto naman daw nila ito.

“Maliit pa kami, ‘kain na kami niyan,” sabi naman ni Mechael, kapatid ni Ronnie.

Hanggang sa nadiskubre nga raw ni Ronnie na mas gusto niyang lantakan ang mga ito nang buhay.

“Hindi naman po ako nanghihina sa mga kinakain ko na mga exotic. Sa katunayan po ‘yong pagkakain ko ng mga exotic, ‘yong katawan ko parang laging masigla,” sabi pa ni Ronnie.

Hanggang sa naisipan niya na rin daw na i-upload ang pagkain niya sa mga ito.

“Madali lang naman ‘yong pagkain ng mga exotic. Nalaman ko na ‘yong mga videos ko, may kumikita na iba kaya po naisipan ko na gumawa ng YouTube…”

May ilan naman daw viewers ang nagsasabing dugyot daw siya at nagtatanong kung wala raw ba siyang makain sa bahay nila at kung hindi raw ba siya pinapagalitan ng kaniyang mga magulang.

Sabi naman niya, hindi raw maiiwasan dahil minsan daw ay wala talaga silang makain.

Ngunit paalala ng mga eksperto, napakadelikado raw talaga sa kalusugan ang pagkain ng mga insekto at ng kung ano-ano.

Sabi ni Prof. Anna Teresa Orillo, isang nutritionist at dietician, “Mayroon po tayong tinatawag na food poisioning. So kapag madumi ang pagkain o tubig na ating ipinapasok sa ating katawan, maaari tayong magkasakit. Maaaring ito ay magsimula sa pagkahilo, pagsusuka, pagtatae. Meron ding mga bacteria na puwedeng makapagdulot ng pagdurugo sa ating internal organs. Ngayon, kung hindi ito nabigyan ng lunas, maaari din itong ikamatay.”

Subalit ayon naman kay Ronnie, wala naman daw siyang nararamdamang kakaiba. Handa nga raw siya magpa-chek up upang mapatunayang ayos lang siya.

Sa isinagawang pagsusuri sa kaniya, napag-alamang ayos naman ang kaniyang blood tests. Subalit sa resulta ng kaniyang urinalysis o eksamin sa kaniyang ihi, nalamang may “very slight infection of the urine of the kidney.”

Nang tinanong si Dr. Ensoñacion Alcantara, doktor na sumuri kay Ronnie, kung may kinalaman ba ang pagkain ng exotic foods ni Ronnie, sagot ng doktor: “You cannot tell from the results. Bacteria is always there because the urine is always dirty.”

Pinaalalahanan muli ni Dr. Alacantara si Ronnie tungkol sa pagkain ng mga exotic foods.

“It’s always dangerous to eat exotic food. And it could be poisonous.”

Eh ang tanong: itutuloy pa ba ni Ronnie ang pagkain sa mga exotic foods o hindi na?

Sagot niya, hindi raw siya titigil sa pagkain sa mga ito dahil ito raw ang kinakain niya.

“Malakas po ang paniniwala ko sa Panginoon. Itong nararanasan ko ngayon sa buhay, alam ko po na challenges lang ito. Balang araw, aahon ako. Balang araw, makakakain din kami ng mga magagandang pagkain. Hindi lang puro exotic.”

Sa kabila ng paggawa natin ng mga bagay-bagay na siyang tumutulong sa atin upang may maipantawid-gutom, alalahanin nating kailangan din nating alagaan ang ating kalusugan.

 

1 comment: