any

PANOORIN! | Bride, Pumanaw sa Kalagitnaan ng Seremonya ng kanyang Kasal


Isang Bride umano ang pumanaw habang nasa kalagitnaan ng seremonya ng kanyang kasal.

Isa sa pinakahihintay na araw ng dalawang taong nagmamahalan ay ang araw ng kanilang pag-iisang dibdib.

Isang araw na labis na pinaghandaan, pinaglaanan ng oras, at matagal na hinintay upang maisakatuparan.


Ngunit paano kung ang mismong araw ng iyong kasal ay ang mismong araw rin pala ng iyong pamamaalam sa mundong ibabaw?

Ito ang malungkot na pangyayari sa isang kasal sa Tiaong, Quezon. Ang sana’y pinkamasayang araw sa buhay ng magkasintahang sina Victor Banayo at Marjorie Calizar, nauwi sa isang araw ng pagluluksa.



Matagal nang plinano ng walong taon na magkasintahang Marjorie at Victor ang kanilang kasal. At nito ngang Huwebes, ika-26 ng Disyembre, sa kabila ng dagok sa kanilang buhay ay itinuloy pa rin nila ang nakaplanong kasal.

Bago pa maganap ang nakatakdang kasalan ay nagkaroon ng malubhang karamdaman si Marjorie. Kaya naman, sumailalim ito sa isang operasyon sa pag-aakalang siya’y agad na gagaling. Ngunit, sa kasamaang palad, matapos ang operasyon ay kinailangan ulit nitong bumalik sa pagamutan dahil kumalat na pala ang iniinda nitong cancer at lalo pang lumulubha.



Sa kasamaang palad, sa mismong araw ng kanilang pag-iisang dibdib ay tuluyan nang pumanaw ang bride na si Marjorie. Hindi na nito nakayanan pa ang sakit na iniinda at tuluyan nang namaalam sa mismong seremonya nang kanyang kasal.

Ibinahagi ng pinsan ng ikinakasal na si May Ann Mercado sa kanyang Facebook account ang malungkot na pangyayaring ito. Dito ay makikitang naka-stretcher na si Marjorie nang dumating ito sa simbahan. Isang palatandaan kung gaano na kalubha ang dinadala nitong karamdaman.



Dahil sa pangarap nilang maikasal sa simbahan, itinuloy pa rin talaga ng dalawa ang kasal kahit na si Marjorie ay nagkaroon ng cancer. Sa kabila ng malubhang karamdaman ay mas ninais pa rin nitong ikasal sa kanyang sinisinta.

Imbes na isang bridal car ang maging sasakyan ni Marjorie papuntang simbahan, ang ambulansya ng ospital ang naghatid sa kanya sa simbahan. Maliban sa mga abay, mga ninong at ninang, naging saksi na rin sa kanilang kasal ang mga nars at medics na nagbabantay at naka-abang sa anumang maaaring mangyari kay Marjorie



Nakasuot man ng wedding gown ay hindi na nito nakayanan pang maglakad sa simbahan. Sa kabila nito, itinuloy pa rin ng pari ang kasal dahil na rin sa kagustuhan ng dalawa na tanggapin ang sakramento ng kasal.

Ngunit, nakakalungkot lamang dahil sa kalagitnaan ng kasal ay idineklara ng pari ang pagpanaw ni Marjorie at siyang naging dahilan ng pagbuhos ng lungkot at luha sa loob ng simbahan. Gayunpaman, muling ipinagpatuloy ng pari ang seremonya at idineklara ang matagumpay na pag-iisang dibdib nina Marjorie at Victor.

Dahil sa nakakapanlumong pangyayari, imbes na sa isang salu-salo tumuloy ang mga bisita at ang bagong kasal, sa punerarya na ang naging diretso ni Marjorie. Umabot na sa mahigit dalawang daang libo ang nakapanood sa video ng naturang malungkot na kasalan na ibinahagi sa Facebook. Marami ang nalungkot sa napakasakit sa pusong pangyayari na ito.



Gayunpaman, sa kabila ng trahedyang naganap sa pagitan ng ngayo’y mag-asawang sina Victor at Marjorie, isa pa rin itong patunay sa higpit at lalim ng pagmamahalan nilang dalawa. Na kahit sa kamatayan man ay isinumpa pa rin nila ang kanilang labis na pagmamahal sa isa’t-isa.

No comments