Magkapatid na babae, Tinamaan ng Kidlat


Isang magkapatid na babae ang tinamaan ng kidlat at binawian ng buhay sa Laurel, Batangas. Napag-alaman  na umakyat ng bundok ang magkapatid upang kumuha ng sangkap para sa kanilang panindang suman.


 Ayon sa ulat, alas-10 ng umaga nang mamundok ang magkapatid upang kumuha ng buko at mangga. Subalit, inabutan sila ng masamang panahon na may kasama pang kidlat. Kaya naman, nakisilong muna sila sa isang kubo. 

Hindi nagtagal ay tinamaan ng malakas na kidlat ang magkapatid na dalaga. Naitakbo pa sa ospital ang magkapatid ngunit wala na talagang buhay ang mga ito at kinumpirma ng doktor na tama ng kidlat ang dahilan sa pagpanaw nila. 

Aminado ang ama ng mga dalagita na si Jason na masakit ang nangyaring ito sa kanila dahil doble ang pag-iingat nila sa COVID-19 ngunit sa ibang paraan naman pumanaw ang mga anak niya.


 “Sobra ang pag-iingat na ginagawa ko sa aking mga anak. Unang unang ho ang mga 'yan di ko pinaalis ng bahay. Kung aalis man ho dito lang sa bundok pupunta ng bukid yun lang," aniya. 

Base naman sa imbestigasyon ng Laurel Police, maaaring ang cellphone ng isa sa mga dalagita ang naging sanhi ng pangyayari.

 "Siguro kaya nagkaganun ay dahil sa cellphone nung isa sa kanilang anak na si Kheycee nakababata, nung pagkatama ng kidlat, nakita nila na nagcrack ang cellphone ng batang si Kheycee," sabi Police Capt. Garry Abregunda.

No comments